Probinsya ng Cotabato, naghahanda na sa pagpapatupad ng ECQ

Isinusulong ngayon ni Cotabato Province Governor, Nancy Catamco sa Regional Inter-Agency Task Force ang paglalagay sa probinsya sa ilalim ng enhanced community quarantine o ECQ, upang malimitahan ang galaw ng mga tao.

Ang rekomendasyon ni Catamco ay nag-ugat sa report na ilan sa mga derbist o sabungero ang pumunta sa Matina Gallera Derby sa Davao City noong buwan ng Marso 2020.

Aniya, lahat sila ay kinukonsiderang persons under monitoring (PUMs), dahil ang unang naitalang confirmed COVID-19 case sa probinsya ay may travel history sa nasabing event.

Sinabi ng Gobernadora, hindi sila umaasa sa paglala ng sitwasyon, ngunit mas mabuti na aniya ang handa.

Nakakasa na rin aniya, ang probinsiya sa pamimigay ng relief assistance sa mga apektadong pamilya, at umaasang matatanggap ng mga ito bago maipatupad ang ECQ. Nakapagtala na ng dalawang COVID-19 case ang lalawigan.