PRO XI, nagpalabas nang inisyal na listahan ng election watch list areas

Nagpalabas na nang inisyal na listahan ng election watch list areas (EWAS) ang Police Regional Office XI para sa darating na 2019 midterm elections, kung saan 43 na bayan at lungsod ang isinailalim sa EWAS.

Ito ang binanggit ng tagapagsalita ng kapulisan sa rehiyon XI, Police Chief Inspector Jason Baria. Ipinaliwanag nito na ang nasabing bilang ng EWAS ay pwede pang bumaba kung magkaroon ng improvement ang peace and order situation.

Ayon pa sa opisyal, kanilang ipapalabas ang pinal na EWAS kung ito ay cleared na sa pamamagitan ng intelligence monitoring.

Sa 43 municipalities, ang Compostela Valley Province ay may 11 munisipyo na isinailalim lahat sa EWAS. Ang Davao del Sur ay may siyam, ang Davao del Norte ay walo, Davao City-pito, Davao Oriental – anim, at Davao Occidental -dalawa.

Habang sinabi naman ng Deputy Regional Director for Administration Sr. Supt. Nolasco Bathan sa nangyaring AFP-PNP Press Corps Briefing, na ang EWAS ay na-classify sa apat na kategorya: Ang area na nalagay sa category 1 ay yaong mga lugar na may record ng election related violence dahil sa mainit na political rivalry.

Ang areas na nasa ilalim ng category 2 ay ¬†mga lugar na may serious armed threats na kagagawan ng organized threat groups, gaya ng Communist Party of the Phils.-New People’s Army (CPP-NPA), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at Abu Sayaff Group.

Ang category 3 ay mga lugar sa ilalim ng category 1 at 2 habang ang category 4 ay mga areas na apektado ng political rivalry na makapag-motivate sa isang indibidwal upang masangkot sa kaguluhan na kagagawan ng mga private armed groups, paglaganap ng mga loose firearms, may serious armed threats ng CPP-NPA, BIFF, ASG at iba pang armed groups.

Isasailalim sa Comelec control at supervision ang mga lugar na nasa category 4.

Samantala, sinabi ng commander ng Eastern Mindanao Command Lt. general Benjamin Madrigal na ang EWAS ay resulta ng pakikipag-ugnayan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Ayon pa sa opisyal, ang nakamit na kapayapaan sa kasalukuyan sa rehiyon, ay magiging susi para sa matiwasay na pagdaraos ng eleksyon sa susunod na taon. | ulat ni Ruth Dumandan – Radyo Pilipinas Davao