Private companies sa Makati na magtatayo ng sariling vaccination sites, kailangang magparehistro

Oobligahin ng lokal na pamahalaan ng Makati ang private sector na irehistro ang itatayo nilang COVID-19 vaccination sites sa mga susunod na buwan upang masigurong tumatalima sa standards ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, inaprubahan ng City Council ang City Ordinance Number 2021-094 o ang COVID-19 Vaccination Site Standardization Protocol and Registration Process.

Nakasaad dito na kailangang magsumite ang private entities ng requirements sa Office of the City Administrator kasama ang contact information.

Ire-review ng Makati COVID-19 Vaccination Site Quality Assurance Team ang mga dokumento at irerekomenda ang approval ng aplikasyon o paghingi ng iba pang requirements.

Ipinaliwanag ng alkalde na inaasahan nilang magtatayo ng sariling inoculation sites ang mga kumpanya ngayong nalalapit nang dumating ang mga bakunang kanilang binili.

Kaya maaga pa lamang aniya ay naglatag na ang city government ng guidelines para masigurong naaayon sa standards ang mga pasilidad lalo’t bubuksan na ang registration sa pagbabakuna ng mga empleyado.