Prison record ni dating Mayor Sanchez, malinis sa kabila ng napaulat na violations

Natuklasang malinis pa rin ang prison record ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa kabila ng mga naging violation nito sa loob ng Bilibid.

Sa pagdinig ng Senado ngayong araw, inamin ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon na wala siyang nakitang record ng mga napaulat na violation ni Sanchez, kabilang na ang pagpupuslit nito ng shabu sa loob ng bilangguan na inilagay sa istatwa ng Birheng Maria at ang pananatili nito sa isang ‘kubol’.

Dahil hindi dokumentado, maaari aniyang maituturing na mabuting bilanggo si Sanchez kung ang prison record lang ang pagbabasehan.

Gayunpaman, mayroon naman aniyang ibang pagbabatayan.

Sa panig aniya ni Faeldon, nakita lang niya ang mga paglabag ni Sanchez sa mga balita sa telebisyon.

Isa aniya sa mga rason kung bakit niya ipinatigil ang proseso ng pagpapalaya sa dating alkalde ay dahil hindi maipakita sa kanya ang record ng mga violation na ito.

Aniya, tinalakay niya rin ito sa mga opisyal ng BuCor ngunit sinabi umano sa kanya ng mga ito na ang hindi lang mabibigyan ng GCTA ay ang bilanggong nakagawa ng violation sa buwan ng paglabag nito.

Dahil dito, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na malinaw na may korapsyon o kapabayaan sa pagkakaroon ng malinis na prison record ni Sanchez.