Priority measures na tatrabahuhin ng Kamara sa pagbabalik sesyon, inilatag na

Bibigyang prayoridad ng Kamara sa pagbabalik sesyon nito, ang limang panukalang batas na tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Ayon kay House Speaker Lord Allan Velasco, bukod sa mga panukala na mababanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang state of the nation address (SONA), ay tututukan ng Kongreso ang pagpapatibay sa Philippine Virology Institute Act, Center for Disease Control Act, amyenda sa Continuing Professional Development Act of 2016, Bureau of Immigration Modernization Act, at National Housing Development Act.

Pagbibigay diin ni Velasco, mahalaga na makapagtatag ng Philippine Virology Institute, na mangunguna sa research and development sa larangan ng  virology at pag-aaral sa mga virus na nakakaapekto sa tao, halaman, at hayop.

Ang pagbuo naman sa Philippine Center for Disease Control, ang titiyak sa iisang ahensya na tututok sa prevention at management ng emerging infectious diseases, tulad na lang ng COVID-19.

Umaasa naman si Velasco, na maipapasa na ng Senado ang ilan pa sa priority measures ng adminsitrasyon, tulad ng panukalang Internet Transactions Act at pagbuo ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos.