Pribadong mga kumpanya, hinimok na ilabas ng mas maaga ang Christmas bonus ng employees nito

Hinimok ni Quezon City Representative Precious Hipolito Castelo ang private sector employers, na i-release ng mas maaga sa December 25 ang Christmas bonus o 13th month pay ng mga empleyado nito.

Ito ay makaraang bawiin ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang naunang suhestiyon, na ipagpaliban ang pagbibigay ng 13th month pay ng mga maliliit na kumpanya at negosyo, at sa halip ay ibigay na ang bonus bago ang December 25 deadline base na rin sa labor law.

Diin ni Castelo, malaki ang maitutulong sa mga empleyado at manggagawa kung mas maaga nilang matatanggap ang kanilang mga bonus, lalo na sa mga may problemang pinansyal ngayong may pandemya.

Maiiwasan na rin aniya ang pangungutang, upang makapagplano din ng mas maayos sa kanilang mga gastusin ang mga pamilya ngayong darating na Pasko.

Dagdag pa ni Castelo, na ang maagang pagbibigay ng Christmans bonus ay pagpapakita na rin ng malasakit sa mga manggagawa at empleyado.