Preventive approach sa dengue, dapat paigtingin

Nararapat na paigtingin ang preventive approach sa sakit na dengue.

Ayon sa espesyalistang si Dr. Peter Dator, isang ‘internist’, sa gitna ng marami ng bilang ng pagkakasakit ng dengue fever, para aniyang itinuturing na ring karaniwan ng karamihan ang pagkakaroon ng lagnat na pinatatagal pa, sa halip na lunasan agad.

Kabilang aniya sa maaaring indikasyon ng dengue ang lagnat, subalit dapat na magpa-dengue test agad sa unang dalawang araw pa lang ng lagnat, dahil kung paaabutin sa tatlo o limang araw ay ito na ang panahong maaari ng ikamatay ng pasyente kung mauuwi sa kondisyong dengue hemorrhagic fever o internal bleeding at iba pang kumplikasyon.

Sinabi pa niyang mainam kung ma-admit sa ospital nang maaga para ma-dextrose, dahil bagamat wala pang gamot sa dengue, nakapagpapainam ang ganoong panglapat-lunas at para mabantayan din ang nagbabadyang kumplikasyon.

Ngunit ang higit aniyang kailangan, ay lalong paigtingin ang preventive approach sa dengue at ito ang pagpapanatili ng kalinisan, at palaging pagtatapon ng tubig sa anumang sisidlan na napangingitlugan ng lamok.

Nagsisilbi rin aniyang breeding sites ng lamok ang mga napapabayaang swimming pool sa mga subdibisyon, kaya marapat na pagtuunan ng pansin.