Presidential Spox Panelo, nilinaw na wala siyang kinalaman sa napipintong paglaya ni dating Calauan Mayor Sanchez

Nilinaw ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na masyado nang mahaba ang 27-taon mula nang hawakan niya ang kaso ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez, para magkaroon pa siya ng kinalaman sa nakatakdang paglaya nito.

Ang pahayag na ito ni Panelo ay bunsod ng mga espekulasyon na may kinalaman siya sa ibinigay na impending release kay Sanchez dahil siya ang dating tumayong abogado nito noong naharap sa kasong rape at murder ng dalawang estudyante ng UP Los Baños, taong 1993.

Ayon kay Panelo, wala na siyang komunikasyon pa kay Sanchez.

Gayunpaman, sinabi nitong walang masama sa paglabas ni Sanchez lalo’t alinsunod naman raw ito sa batas, at mayroong pinagbatayan.

Tulad raw ng ibang abogado na nagkaroon ng kliyenteng nakulong, masaya siya na makakalaya na si Sanchez at mabibigyan ng pagkakataong makapagbagong buhay.