Presensya ng Chinese militia malapit sa Pag-asa Island, hindi nakapagtataka – Lorenzana

Hindi nakapagtataka ang presensya ng Chinese militia sa kanilang artificial islands malapit sa Pag-asa Island, dahil 2012 pa nandoon na ang mga ito.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa gitna ng pangamba ng ilang sektor na ang presensya ng mga tropang Tsino ay dahil sa pagsisimula ng pagpapagawa ng mga istraktura sa Pag-asa Island.

Ayon sa kalihim, ang pagsasaayos ng mga pasilidad sa Pag-asa Island ay constitutional mandate ng pamahalaan para mabigyan ng kaukulang serbisyo ang mga residente sa munisipyo ng kalayaan, na bahagi ng lalawigan ng Palawan.

Kabilang sa mga pasilidad na itatayo sa Pag-asa Island ay ang beaching ramp na matatapos sa unang bahagi ng taon, mga barracks para sa mga sundalo, desalination facilities, sewage disposal system, conventional at renewable power generators, lighthouses, at silungan at bodega para sa mga mangingisda.

Hahabaan din ang air strip sa Rancudo Airfield, para maka-landing ang mas malalaking mga eroplano.

Giit ng kalihim, 1978 pa sakop ng soberenya ng Pilipinas ang Pag-asa Island ayon sa Presidential Decree No. 1596, at international law.

Sinabi ng kalihim na inaasahan niyang gagalangin ng ibang mga bansa ang soberenya ng Pilipinas at kikilos sa isang sibilisadong paraan bilang miyembro ng pandaigdigang komunidad.  | ulat ni Leo Sarne