Pres. Duterte, pakikiusapan ni Sen. Go na imbestigahan din ng task force ang ibang ahensya na may isyu ng korapsyon, di lamang ang PhilHealth

Pakikiusapan umano ni Senador Bong Go si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi lang limitahan ng Task Force ang imbestigasyon sa mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kundi pati na rin sa ibang ahensya na mayroon ding isyu ng korapsyon.

Sa panayam sa senador sa mga tagapagbalita sa Davao City, sinabi nito na kapag may korapsyon na mangyayari sa ibang ahensya, agad na aataasan ng Investigation Task Force ang Commission on Audit (COA) para suriin ang kanilang pinagkagastahan at Office of the Ombudsman para suspindihin sa serbisyo habang iniimbestigahan.

Ayon kay Go, hindi lang dapat limitado sa imbestigasyon ang gagawin nito kundi isali na ang lifestyle check at kasuhan kung may mga ebidensya na makuha at ikulong kung mapatunayan na nagkasala.

Paliwanag ni Senador Go, kinakailangan ang naturang hakbang para matigil na ang pangungulimbat ng mga tiwaling opisyal sa pera ng taumbayan.

Samantala, ikinatuwa naman ng senador ang resulta ng imbestigasyon ng task force kung saan 10 mula sa mga kawani ng PhilHealth na ang kakasuhan dahil sa anomalya at hindi umano titigil ang gobyerno sa paghabol sa iba pang sangkot.