Pres. Duterte, inilatag ang paraan para maalis siya sa listahan ng mga gagawing pambato sa pagka-VP sa 2022

Isang simpleng formula lamang ang inilatag ni Pangulong Rodrigo Duterte upang hindi na siya maikunsidera pa para tumakbo sa pagka-Ikalawang Pangulo.

Ayon kay Pangulong Duterte, i-etsa-puwera na siya sa sandaling mapagdesisyunan ni Congressman Martin Romualdez na sumabak sa Vice Presidential race sa susunod na taon.

Palabra de honor ayon sa Pangulo ang naitaya niya kay Romualdez kaya’t kapag nagpasya aniya itong sumabak sa pagka-VP ay dapat lang na alisin na siya sa mga ikinukunsidera.

Nakapangako na aniya siya sa kongresista ng Leyte na kanya itong susuportahan sa pagtakbo.

Sa kabilang dako’y idinagdag ng Pangulo na sinabihan niyang umatras muna si Senador Bong Go pero hindi naman nabanggit kung saan nito ito pinaaatras sa harap ng napag-uusapan ng mga indibidwal na tatakbo sa 2022.