Pres. Duterte, inaasahang iaanunsyo ang pasya nito tungkol sa usapin na may kinalaman sa pagsusuot ng face shield

Maaari nang matuldukan mamaya ang isyu tungkol sa face shield matapos na lumabas sa publiko ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing requirement na lang ang pagsusuot nito sa mga pagamutan.

Inaasahan mamaya sa regular ‘Talk to the Public’ ng Pangulo gagawin ang pinal at pormal na desisyon nito tungkol dito.

Lumabas ang impormasyon sa naturang pahayag ng Chief Executive sa Tweet ni Senate President Tito Sotto na kinumpirma naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagsalita nga sa isyu ang Pangulo.

Iniapela naman ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang nais ng Punong Ehekutibo na alisin na sa health protocols ang pagsusuot ng face shield maliban sa mga pagamutan.

At posibleng mamaya nga ay malalaman na kung ikukunsidera ng Presidente ang apela na para sa Task Force ay maigi pa ring panatilihin ang pagsusuot ng face shield bilang bahagi ng minimum health standards.