Pres. Duterte, handang gamitin ang ‘line veto power’ kung may bahid ng katiwalian sa 2019 Nat’l Budget

Nakahanda ang Punong Ehekutibo na gamitin ang kanyang ‘veto power’ upang ibasura ang mga probisyon ng proposed 2019 National Budget sakali’t may makita itong bahid ng iregularidad.

Ito ang sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno, sakali mang igiit ng mambabatas na singitan ng mga proyektong may bahid ng korapsyon ang Pambansang budget.

Ayon kay Diokno, ito ang magsisilbing pangontra ng Executive Department sa anumang posibleng katiwalian na maisingit sa susunod na taong pondo.

Paliwanag ng kalihim, itemized naman ang mga proyektong popondohan sa 2019 kaya’t maaaring magamit ng Presidente ang kanyang ‘line veto power’.

Insertion issue sa mga pet projects ng mga mambabatas ang nagsisilbing dahilan ngayon kung bakit naaantala ang pag-aapruba sa 2019 Proposed National Budget na nagkakahalaga ng P3. 757 trillion pesos.  | ulat ni Alvin Baltazar