Pre-registration ng mga kabataan para sa COVID-19 vaccine, dapat nang simulan ng pamahalaan

Hinimok ni BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co ang pamahalaan na magsimula na sa pre-registration ng mga kabataan edad labing dalawa hanggang labimpito, para sa posibleng pagpapabakuna kontra COVID-19.

Kasunod ito ng pahayag ni NTF Chief Implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na posibleng Setyembre o Oktubre ay magkaroon na rin ng pagpapabakuna sa mga kabataan basta’t may sapat na suplay ng bakuna.

Ayon kay Co, ngayon pa lamang ay dapat nang bumuo ng inventory ng mga kabataan na PWD, may special needs, may comorbidities at nasa single-parent household.

Ito ay upang oras na magkaroon na ng go signal sa vaccination ng mga kabataan ay mabilis din gugulong ang proseso ng inoculation.

Magkakaroon din aniya sila ng pagkakataon na kumonsulta na sa kanilang mga doktor at mapaliwanagan din sa kabutihang dulot ng pagpapabakuna.

Muli namang hinimok ni Co ang mga magulang ng mga batang edad 12 pababa na pabakunahan ang kanilang mga anak kontra influenza bilang dagdag na proteksyon habang wala pang FDA approved COVID-19 vaccine para sa kanilang age group.