Pre-emptive evacuation sa mga lugar na inaasahang tatamaan ng bagyong Ompong, ipinag-utos na

Ipinag-utos na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa kanilang mga Regional Offices sa mga lugar na inaasahang tatamaan ng bagyong Ompong na magpatupad na ng pre-emptive evacuation.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Edgar Posadas, ngayon pa lamang ay pinag-iingat na ang mga residente sa mga lalawigan ng Cagayan kabilang na ang Calayan at Babuyan group of Islands gayundin ang gitna at ilang bahagi ng Katimugang Luzon.

Sa ngayon aniya nakatutok ang NDRRMC sa Regions 1, 2, at CAR, na naka-red alert na sa ngayon.

Dagdag ni Posadas, malaking area ang sakop ng bagyo na aabot sa 600 km ang diameter, kaya kahit na sa dulo ng Northern Luzon tumama ang sentro ng bagyo mararamdaman hanggang sa Central Luzon at maging sa outer parts ng Metro Manila ang epekto nito.

Kasabay nito, nagdeploy ng tatlong libong tropa ang Northern Luzon Command para sa Humanitarian and Disaster Relief Operations.

Ayon kay NOLCOM Commander Lt. Gen. Emmanuel Salamat, bukod sa dedicated na HADR teams, naka-standby din ang buong pwersa ng NOLCOM sa anumang posibleng kaganapan sa pagtama ng bagyong Ompong. | ulat ni Leo Sarne