Prangkisa ng Jumbo Transport Inc., sususpendihin ng LTFRB matapos masangkot sa aksidente sa SCTEX

Ipapatupad na ngayong araw ang suspensyon sa prangkisa ng Jumbo Transport Inc. na nasangkot sa madugong sakuna sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) sa Concepcion, Tarlac.

Sa isang kalatas, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maglalabas ito ng “preventive suspension” laban sa Jumbo Transport Inc. matapos na ang isang tourist bus nito ay sumalpok sa isang truck sa SCTEX na nagresulta sa pagkasawi ng limang katao at pagkasugat ng 49 na iba pa.

Sa imbestigasyon ng LTFRB Region 3, lumilitaw na ang kumpanya ng bus ay may hawak na tourist franchise na may 10 units simula noong July 5, 2016 at ang inaprubahang ruta ay mula Las Piñas hangang sa alinmang parte ng Luzon.

Sa ngayon ay tinutukan muna ng LTFRB ang pag-aasikaso sa mga biktima ng trahedya.

Nakapagpalabas na ang insurance company ng inisyal na P400,000 para i-cover ang insurance assistance ng mga biktima.  | ulat ni Rey Ferrer