Positivity rate ng COVID-19 sa Metro Manila, bumaba

Sumadsad na sa walong porsiyento ang positivity rate ng coronavirus disease (COVID-19) sa National Capital Region (NCR), kumpara sa 14 percent noong buwan ng August.

Ayon sa UP-OCTA Research Team, mas mababa na sa 1,000 ang average cases na naitatala sa Metro Manila kada araw.

Sinasabing may improvement na sa naturang datos sa pagharap ng bansa sa pandemya, bagamat mataas pa rin ito sa ideal rate ng World Health Organization.

Ang kasalukuyang reproduction number ng virus sa Pilipinas ay 0.87, base sa daily reports mula August 25 hanggang October 5 kaya nangangahulugan itong na-flatten na ang curve.

Gayunman, naniniwala si Professor Guido David, na dapat ay sumabay ang ibang bahagi ng bansa lalo at 2,500 cases kada araw ang naitatala sa buong bansa na mas mababa na sa 4,000.

Pataas pa rin kasi ang bilang ng tinatamaan ng COVID-19 sa Davao Del Sur, Iloilo, Misamis Oriental, South Cotabato, Surigao Del Sur, Samar, Zamboanga Del Sur, Benguet, Baguio City, Nueva Ecija, Quezon, at Pangasinan.

Malaking bagay ani David ang pagsunod sa minimum health protocols, gaya ng physical distancing, at pagsusuot ng face mask at face shield, kaya bumaba ang kaso sa NCR sa kabila ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya.