Posibleng pananagutang administratibo, kriminal ng mga nagpatupad ng GCTA, sisilipin na rin ng PACC

Magkakasa na rin ng sariling imbestigasyon ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa mga nasa likod ng nagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Ito ang sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica sa harap na rin ng kontrobersiya sa GCTA at sinasabing ito’y nabibili kapalit ng kalayaan ng mga presong nahatulan bunsod ng iba’t-ibang  paglabag kabilang na ang nakagawa ng heinous crime.

Sinabi ni Belgica, kabilang sa kanilang iimbestigahan si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon at ilan pang BuCor officials na nagpatupad ng GCTA.

Maaari din ani Belgica nilang hingin ang pakikipag-tulungan ni dating BuCor Chief at ngayo’y Senador Ronald dela Rosa para sa isang clarificatory question.

At kaugnay ng  pumutok na kontrobersiya, isa ang pamilya Chiong sa nagpahayag ng pagkadismaya kay Faeldon at nagpahaging na tila ang nananaig sa BuCor ay  ang “pay for your freedom scheme” sa halip na good moral conduct.