Posibleng pagbasura ng DOJ sa isa na namang malaking drug case, tinututukan ng PNP 

Tinututukan ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pagbasura na naman ng mga government prosecutor sa kaso ng drug laboratory sa Virac, Catanduanes.

Ayon kay PNP Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, napag-usapan nila ng Pangulo ang naging pagbasura ng Department of Justice o DOJ sa kaso nila Kerwin Espinosa nang magkita sila sa Baguio nitong weekend.

Aniya sinabi ng Pangulo na siya na mismo ang magri-review sa mga kontrobersyal na desisyon ng DOJ na may kinalaman sa droga lalo na kung pinagdududahan niya ang desisyon.

Napansin aniya nila na marami palang drug cases, lalo na yung mga malalaking kaso, ang nadi-dismiss ng mga prosecutor.

Ayon sa PNP Chief ayaw nilang matulad sa kaso nila Kerwin Espinosa ang kaso ng drug lab sa Catanduanes.

Kinasuhan dito ang ilang mga lokal na politiko kabilang ang magkapatid na anak ni dating Governor Cely Wong na sina Jardin Brian B. Wong, alyas Bobong Wong, Joseph Al Randie B. Wong alyas Tiptip Wong at dating Mayor Constantino Cordial, Jr., ng Caramoan, Camarines Sur.

Kasama din sa mga kinasuhan si NBI Regional Director Atty. Augusto Eric C. Isidoro.  | via Leo Sarne