Posibleng compromise sa polisiya ng pag-aangkat ng karneng baboy, pinag-uusapan na ng Senado at Ehekutibo

Nagkakaroon na ng backchanneling effort sa pagitan ng Senado at ng Ehekutibo para magkaroon ng isang posibleng compromise sa polisiya ng pag-aangkat ng karneng baboy.

Matatandaang tinututulan ng mga senador ang pagpapataw ng mas mababang taripa sa mga imported pork meats at ang plano ng pamahalaan na pataasin sa 400,000 metric tons ang minimum access volume (MAV) o dami ng mga aangkating baboy mula sa kasalukuyang 54,000 metric tons.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, nakikipag-usap na siya kay Finance Secretary Carlos Dominguez III tungkol dito.

Kinumpirma rin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na mayroon na ngang backchanneling efforts na nangyayari.

Umaasa naman si Senador Panfilo Lacson na makakahanap sila ng middle ground na magreresulta sa pagkakaroon ng isang win-win solution na magiging katanggap-tanggap sa lahat ng partidong may kaugnayan sa naturang usapin.