Pork products mula Luzon, pansamantalang ipinagbawal sa Davao City

Pansamantala munang ipinagbabawal ng pamahalaang lungsod ng Davao ang pagpasok ng mga pork product – raw, processed, cooked at lahat ng karneng baboy sa lungsod.

Sa ipinasang resolusyon sa ilalim ng suspended rules, hinikayat ng konseho si City Mayor Inday Sara Duterte, na mag-isyu ng Executive Order para sa pansamantalang pag-ban sa pagpasok ng mga ito sa Davao City partikular na ang mula sa buong isla ng Luzon at iba pang lugar na apektado ng African Swine Fever (ASF) virus.

Ayon kay Committee on Agriculture Chair Konsehal Ralph Abella, responsibilidad ng lokal na pamahalaan na gumawa ng hakbang upang protektahan ang hog industry ng lungsod laban sa kahit ano mang virus na makakasira sa industriya.

Dagdag ni Abella, ang ASF Task Force na itinatag sa bisa ng isang executive order ang mangunguna sa mahigpit na pagmonitor nito katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, gaya ng Bureau of Animal Industry (BAI) ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC), upang mapigilan ang pagpasok ng nasabing virus sa Davao City.

Una nang kinumpirma ng Department of Agriculture ang presensya ng ASF sa bansa na pumatay ng maraming baboy sa Rizal at Bulacan.