‘Poorest of the poor’, muling dadayuhin ng PCUP 

Muling dadayuhin ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa mga susunod na araw ang itinuturing na ‘poorest of the poor areas’ ng komisyon.

Ayon kay PCUP Chairperson Alvin Feliciano, pinakatinututukan nila ngayon ang mismong mga komunidad na mas nangangailangan ng agarang tulong.

Ang komunidad ng ‘poorest of the poor’ aniya ay binubuo ng mga pamilyang sumasahod ng mas mababa pa sa P10,481, na itinalang poverty threshold ng National Economic Development Authority (NEDA), na nahihirapang masuplayan ang basic food and non-food expenses.

Sinusuring mabuti ng komisyon ang angkop na mga lugar na bababaan ng mga programa nito, partikular na ang PCUP Caravan. Pinagbabasehan rin nito ang mga inirerekomendang lugar ng kanilang field workers o area coordinators, na direktang nakakakita ng sitwasyon ng mga komunidad.

Nakikita rin ng komisyon na makatutulong ang pagbisita nila sa ‘poorest of the poor’ sa pagpapababa ng antas ng kahirapan sa bansa – mula sa 21.6 percent patungong 14 percent.

Isa ang PCUP Caravan sa tatlong priority program ng PCUP, na aktibong tumutulong sa urban poor communities, na magkaroon ng livelihood at employment opportunities, scholarship, libreng medical at dental services, at access sa mga pro-poor programs sa pamamagitan ng paglalapit ng serbisyo ng gobyerno at private sectors sa mga mahihirap na komunidad.