Pondo para sa Tulong Trabaho Act, dapat maisama sa 2020 budget ng TESDA

Pinatitiyak ni Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Hererra Dy na maisama sa 2020 Budget ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) ang pondo para sa implementasyon ng Tulong Trabaho Act.

Sa budget deliberation sa Kamara, napansin ni Dy, na isa sa mga co-author ng batas, na hindi kasama sa inaprubahang budget ng Department of Budget and Management (DBM) para sa TESDA ang P1.5 billion funding para dito.

Pebrero 22 pa nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang batas na layong pagbutihin ang technical-vocational skills ng mga Pilipino para makasabay sila sa nagbabagong demand sa trabaho sa bansa.

Ani Herrera-Dy, paglabag sa batas kung hindi ito maipatutupad dahil sa hindi ito napaglaanan ng pondo.