Pondo para sa resettlement programs ng DILG, dapat nang ilipat sa DHSUD

Itinutulak ni Senador Francis Tolentino na mailipat ang pondo para sa resettlement program sa ilalim 2021 proposed budget ng DILG patungo sa pondo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang P243-billion budget ng DILG para sa susunod na taon, ipinunto ni Tolentino na ang mga higit P87-million na alokasyon para sa Resettlement Government Assistance

Fund (RGAF) ng ahensya ay may kinalaman sa pabahay at dapat ay ibigay na lamang bilang dagdag pondo sa Housing Department.

Ayon sa senador, hindi na kailangan ng DILG ang RGAF dahil mayroon nang ahensyang opisyal na nakatutok lamang sa pabahay.

Pabor naman si DILG Secretary Eduardo Año sa panukala ng mamababatas. Gayunpaman, iginiit ng kalihim na ang nasabing alokasyon ay hindi lamang para sa relokasyon kundi para din sa iba pang mga bagay na may kinalaman sa reporma sa pamahalaan.

Bukod sa pondo para sa RGAF ay Iminumungkahi rin ni Tolentino na mailipat sa pondo ng DHSUD ang higit sa 10-milyong pisong pondo para

sa Muslim Resettlement Relocation Services Fund para sa mga napinsala

ng digmaan sa Marawi City.

Dagdag pa ng senador, nakabitin at nanganganib ngayon sa Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni DHSUD Secretary Eduardo del Rosario dahil umano sa kawalan ng pondo at pormal na plano para sa pabahay.