Pondo para sa pagpapatupad ng mandatory ROTC, aabutin ng P16B – isang mambabatas

Aabutin ng P16 na bilyong piso ang kakailanganin ng pamahalaan para pondohan ang mandatory Reserve Officers Training Corps o ROTC para sa mga senior high school.

Sa isang panayam kay Puwersa ng Bayaning Atleta Party-List Rep. Jericho Nograles, malaking bahagi nito ang gagamitin para sa magiging uniporme ng nasa apat na milyong Grade 11 at Grade 12 na senior high school students na maaapektuhan ng mandatory ROTC.

Base aniya sa kanyang tantya, aabutin ng P4,000 ang bawat uniporme para sa isang estudyante.

Muling naghain ng panukala si Nograles sa Kamara na gawing mandatory ang ROTC para sa mga senior high students sa pampubliko at pribadong paaralan.

Paghahanda aniya ang ROTC para sa depensa ng bansa.

Ayon sa kongresista, kulang ang 70,000 reserves at 120,000 na active na sundalo para depensahan ang Pilipinas.