Pondo para sa Child Labor Protection Program ng DOLE, nais ibalik

Nakatakdang maghain ng isang committee resolution ang ilang kongresista para ipanawagan ang pagbabalik ng tinapyas na pondo sa Child Labor Protection and Elimination Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay Director Ana C. Dione ng Regional Operations and Special Concerns ng DOLE, mula sa ₱115 milyon na pondo para sa programa, ay ibinaba ito ng Department of Budget and Management (DBM) sa ₱15 milyon na lamang sa ilalim ng 2020 budget.

Malaking kawalan aniya ito para sa isinasagawa nilang profiling ng mga batang sangkot sa child labor.

Katunayan, sa kanilang komputasyon kinakailangan nila ng ₱175 milyon para sa naturang programa.

Ikinagulat naman ni dating senator at ngayo’y Deputy Speaker Loren Legarda ang kakulangan sa pondo ng naturang programa.

Si Legarda kasi ang nagtulak na mapondohan ang naturang programa, sa ilalim ng 2019 budget matapos maamyendahan ang Republic Act 9231 or the Anti-Child Labor Law.

Dahil dito, nanawagan si Legarda na dapat nang isama kada taon ang pondo ng child labor protection and elimination program ng kagawaran.