Pondo para sa ayuda ng mga maaapektuhan ng ECQ sa MM, aprubado na ni Pres. Duterte

Ibinahagi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pondo para sa financial assistance na ₱1,000 hanggang ₱4,000 kada kwalipikadong indibidwal sa National Capital Region (NCR).

Nagpasalamat si Go sa pagtugon ni Pangulong Duterte sa kanilang apela na bigyan ng ayuda ang mga pinakamahihirap na maaapektuhan ng ipatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila mula August 6 hanggang August 20.

Giit ng senador, sa pamamagitan ng ayudang ito ay matutulungan ang ating mga mahihirap na kababayan na maitawid ang kanilang pamilya habang apektado ng ECQ ang kanilang mga kabuhayan.

Sinabi ng mambabatas na sa higit 13 milyon na populasyon ng Metro Manila, 80 percent nito o higit 10.8 million na indibidwal ang mabibigyan ng ayuda base aniya sa datos ng Department of Budget and Management (DBM), National Economic Development Authority (NEDA) at iba pang ahensya.

Apela naman ni Go sa mga lokal na pamahalaan sa NCR, dahil direktang ida-download ang mga pondo sa kanila ay tiyaking maibibigay kaagad ang ayuda sa mga tamang benepisyaryo.

Dapat rin aniyang siguraduhin na magkakaroon ng maayos at ligtas na paraan sa pamamahagi ng mga ayuda.