Political at civil rights, hindi suspendido sa Memorandum Order 32, pagtiyak ng militar

Tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato na hindi suspendido ang political at civil rights ng mga mamayan sa pagpapatupad ng Memorandum Order 32.

Ayon kay Detoyato, nakasaad pa sa naturang memorandum ang paalala ng Malacañang sa militar at pulis na pag-ingatang hindi malalabag ang mga karapatan ng mamamayan.

Kasabay nito, tahasang itinanggi ni Detoyato na ang Memorandum Order ay panimula ng pagpapatupad ng nationwide martial law.

Aniya ang mga kalaban ng estado na nagkakalat ng tsismis tungkol sa martial law ang maapektuhan ng memo dahil mas mahihirapan na silang kumilos.

Tinukoy ni Detoyato ang CPP/NPA bilang pangunahing target ng naturang memorandum.

Ayon kay Detoyato ang sunod-sunod na karahasan na isinagwa ng CPP/NPA sa Samar, Negros at Bicol Region, ang dahilan kung bakit ipinag-utos ng Malacañang sa M.O. 32 ang pagpapadala ng karagdagang pwersa ng militar at pulis sa mga naturang lugar.   | ulat ni Leo Sarne