Police colonel, binaril at napatay ng ‘motorcycle-riding’ suspek sa Antipolo

Patay ang isang police colonel habang sugatan naman ang asawa nito nang pagbabarilin ng motorcycle-riding suspek sa Antipolo City kaninang pasado alas-6 ng umaga.

Sa spot report na inilabas ng Antipolo Philippine National Police (PNP), kinilala ang mga biktima na sina PSupt. Ramy Tagnong, legal officer ng Police Regional Office 4 at ang asawa nito na si Angela Tagnong.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakasakay ang mag-asawa sa pulang Toyota Innova na binabagtas ang kahabaan ng Barangay Dalig Antipolo City nang pagbabarilin sila ng hindi pa nakikilalang mga suspek lulan ng pula at itim na motorsiklo.

Naisugod pa sa pagamutan ang mag-asawa pero idineklarang dead on arrival si Col. Tagnong.

Patuloy naman na nagpapagaling si Angela sa Antipolo Doctors Hospital dahil sa tinamong tatlong tama ng bala. | via Leo Sarne