Deputy Chief of Police sa Oriental Mindoro, nakaligtas sa ambush

Nakaligtas ang deputy chief of police ng Pinamalayan Municipal Police Station (MPS ) sa isang ambush kaninang alas-7:45 ng umaga, sa National Highway sa Brgy. Pasi 2, Socorro, Oriental Mindoro.

Sa initial report na nakarating sa Camp Crame, iniulat sa Pinamalayan Municipal Police Station ni Brgy. Chairman Danilo R. Caspe ng Barangay Pasi 2, na nakarinig sila ng malakas na pagsabog kaninang umaga na sinundan ng sunod-sunod na putok ng baril sa naturang barangay.

Base sa salaysay ng brgy. Chairman, target ng pag-atake ang mobile patrol car ng Pinamalayan MPS na sinasakyan nina PCpt Ruelito R. Magtibay, DCOP, PCMS Ivan Fortus, PSMS Irene M. Lazo, PCpl Ivy Carmona, Brgy. Chairman Noli Dela Cruz ng Brgy. Palayan, Pinamalayan, Oriental Mindoro, at minamaneho ni Pat. Raquel Generoso.

Papunta umano ang grupo sa Pinamalayan para dumalo sa isang radio interview nang atakihin ng mga hindi pa kilalang salarin.

Nakaligtas naman sa pag-atake ang grupo at dire-diretsong nakatakbo ang kanilang sasakyan palayo sa ambush site.

Iniulat na nagtamo ng sugat sa insidente sina PCMS Ivan Fortus, PSMS Irene M. Lazo at PCpl Ivy Carmona, na agarang dinala sa Oriental Mindoro Provincial Hospital.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente sa mga oras na ito.