POGO, hindi banta sa seguridad ng Pilipinas

Naniniwala si Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairperson Andrea Domingo na walang security threat sa bansa hinggil sa pagdami ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pilipinas.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Domingo na bilang isang dating Intelligence officer at commissioner ng Bureau of Immigration, kumpiyansa siya na hindi banta sa bansa ang pagdami ng mga POGO na malapit sa mga base militar sa bansa.

Aniya sa panahon ngayon ng social media hindi na kailangan pa ng napakaraming katao para lamang mag-espiya sa isang bansa kung saan sa halip na magawa ng patago ang kanilang plano ay mas agaw-pansin pa sa dami ng mga ito.

Nagkataon lang din na napuwesto ng malalapit sa strategic locations ang mga nasabing POGO.

Sinabi din ng opisyal na nakausap na niya si Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana tungkol sa nasabing isyu kasabay ng pagtiyak na patuloy ang kanilang pag-regulate sa mga POGO sa bansa.

Dahil dito ay nagpatupad na nga ng moratorium ang PAGCOR sa pag-iisyu ng lisensya sa mga ito hanggang katapusan ng taon hanggang hindi nasasa-ayos ang mga isyu hinggil dito.

Sa kasalukuyan ay aabot sa 58 ang lisensyadong POGO sa bansa at nakakapag-remit ang mga ito ng P12 bilyong piso sa loob ng dalawang taon.