POEA, OWWA, posibleng gawing attached agency ng Dept. of OFW

Suportado ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbuo ng Department of OFW.

Katunayan, mayroon ding sariling bersyon ng ahensya na ibinahagi ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa isinagawang pagdinig ng Kamara.

Sa ilalim ng bersyon ng DOLE, ang Department of OFW (DOFW) ay pangungunahan ng isang kalihim na tutulungan ng apat na undersecretaries at apat na assistant secretaries.

Imbes na ma-dissolve o isama sa DOFW, mungkahi ng DOLE na gawing attached agency ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at National Reintegration Center for OFWs o NCRO upang mapanatili ang juridical personalities ng naturang mga ahensya.

Kasabay nito, ay bumuo na rin ang kamara ng isang technical working group na siyang magsasagawa ng mga consultative hearing para sa bubuuing Dept of OFW.

Kabilang sa binuong TWG sina Representatives Joey Salceda at Ron Salo mula sa Committee on Government Reorganization habang sina Reps. Eric Pineda at Raymond Mendoza sa panig ng Committee on Overseas Workers Affairs.

Bahagi rin ng TWG ang mga government agency na may kinalaman sa OFW affairs tulad ng DOLE, Department of Foreign Affairs (DFA), OWWA, at POEA at ilang grupo ng OFW at OFW advocates.