PNPA Director Adnol, mananatili sa pwesto sa kabila ng latest sex scandal ng mga kadete

Mananatili sa pwesto si Philippine National Police Academy (PNPA) Director Joseph Adnol sa kabila ng pagputok ng pinakahuling iskandalo na kinasasangkutan ng mga kadete.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde, magpapatuloy ang panunungkulan ni Adnol hanggang sa maibalik ang pamamahala ng PNPA sa PNP.

Magugunitang inalok ni Adnol ang kanyang resignation kay dating PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa, matapos ang nangyaring insidente ng pambubugbog ng mga lowerclassmen sa kanilang upperclassmen pagkatapos ng graduation ceremony noong Marso ng taong ito, pero tinanggihan ito ni Dela Rosa.

Sa pinakahuling iskandalo, tatlong upperclassmen naman ang nasangkot sa isang insidente noong October 6, kung saan inutusan umano ng isa sa kanila na mag-oral sex sa kanyang harapan ang dalawang nakababatang kadete, habang nanonood ang dalawa pang upperclassmen.

Sinabi kahapon ng PNP Chief na bagamat wala pang nakarating na pormal na report sa kanya, ay ipinag-utos na niya sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) ang pag-iimbestiga sa mga kadeteng sangkot dito.

Ayon sa PNP Chief, matagal na niyang naririnig ang mga “rumors” ng sekswal na pang-aabuso sa PNPA, pero ito ang kauna-unahang pagkakataon na mga kadete ang itinuturong salarin.

Tiniyak ni Albayalde na tatanggalin sa akademiya ang mga sangkot na kadete kung mapatunayang may sala ang mga ito.  | ulat ni Leo Sarne