PNP, walang problema sa pagpapahintulot kay De Lima na magtrabaho sa loob ng selda

Walang problema sa Philippine National Police (PNP) na pahintulutan si Senador Leila De Lima na magtrabaho sa loob ng kanyang selda sa pamamagitan ng video conferencing.

Ayon kay PNP Chief P/General Oscar Albayalde, hinihintay lamang nila ang magiging kautusan ng Korte na dumidinig sa kasong may kinalaman sa iligal na droga laban kay De Lima at hindi naman sila mag-aatubiling sundin ito.

Una rito, ipinanawagan ng itinatag na Committee for the Freedom of Leila De Lima sa korte at sa PNP na payagan ang naturang hakbang upang magampanan nito ang kaniyang tungkulin bilang mambabatas habang nasa loob ng kaniyang selda sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame.

Ayon kay Dean Antonio La Viña ng Ateneo de Manila University, dapat payagan ang kanilang kahilingan para sa senadora dahil ginawa na iyon noong panahong nakakulong pa si dating Senador Antonio Trillanes IV kung saan, isinagawa sa kanya mismong selda ang mga pagdinig.

Nag-ugat ang panawagan sa inihaing Senate Resolution #51 na inihain ni Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senador Panfilo Lacson na sinuportahan naman ni Senate President Vicente Tito Sotto III.