PNP, wala pang na-monitor na pekeng bakuna sa bansa

Iniulat ni Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director Police Major General Albert Ignatius Ferro, na wala pa silang na-monitor na nagbebenta ng pekeng bakuna kontra sa COVID-19.

Ito ay matapos na atasan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang PNP, na imbestigahan at bantayan ang posibleng pagpasok sa bansa ng pekeng Pfizer na bakuna, alinsunod sa babala ng World Health Organization.

Ayon kay Ferro, ang na-monitor lang nila at tinututukan sa ngayon ay ang pagbebenta ng pekeng RT-PCR test, partikular ang aktibidad ng mga online seller.

Iniimbestigahan din aniya nila ngayon ang pamamahagi ng gamot na Ivermectin, kung ito ay dini-distribute at ginagamit alinsunod sa mga patakaran ng Food and Drug Administration.

Nilinaw naman ni PNP Chief Police General Debold Sinas, na hindi bawal ang pagbebenta ng Ivermectin dahil legal naman itong ginagamit.

Ang bawal aniya, ay kung nagmula ang gamot sa mga hindi awtorisadong compounding laboratory, at kung pinapagamit ito sa tao bilang gamot sa COVID-19 nang walang prescription ng doktor.