PNP, wala nang Christmas party

Hindi na magkakaroon ng tradisyonal na Christmas Party ang Philippine National Police (PNP).

Ito ang inihayag ni PNP Chief General Camilo Pancratius Cascolan matapos na hilingin ng Metro Manila Council sa iba’t ibang pribadong kumpanya na huwag na munang magdaos ng Christmas party upang makaiwas sa COVID-19.

Sinabi ni Cascolan na sa halip na magkaroon ng party ay nagdesisyon sila na gamitin ang perang pang-party para labanan ang pandemya dahil maryoon din silang mga tauhan na apektado ng coronavirus.

Aniya, paraan din nila ito para maiwasan ang pagkalat ng sakit sa kanilang hanay.

Tiniyak naman ng PNP chief na makatatatanggap ng tamang insentibo ang kaniyang mga tauhan lalo na ang mga frontliner na naging tradisyon tuwing Pasko.

Sinabi ng PNP chief na bahagi ito ng kanilang pagpapataas sa morale ng Police force na magreresulta naman sa kanilang mas magandang performance bilang public servant.