PNP, umalma sa akusasyon ng Bayan Muna na pulis at militar ang responsable sa “Sagay Massacre”

Mariing itinanggi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Director General Oscar Albayalde ang akusasyon ng grupong Bayan Muna, na mga pulis at militar ang responsable sa pagpatay ng siyam na magsasaka sa Sagay, Negros Occidental noong Sabado.

Ayon sa PNP Chief, malakas ang indikasyon batay sa hawak nilang ebidensya na mga teroristang New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng malagim na krimen.

Giit ni Albayalde, karaniwang ginagawa ng mga rebelde ang paghahasik ng karahasan at saka ibubunton ang sisi sa mga alagad ng batas.

Gayunpaman, sinabi ni Albayalde na isang malalim na imbestigasyon ang isinasagawa ng PNP para matukoy kung sino talaga ang mga salarin sa naturang krimen.

Unang inihayag ni Albayalde, na tinitignan nila ang tatlong anggulo sa krimen at ito ay ang posibleng pagkakasangkot ng mga hired goons ng landowners, ang posibleng pagkakasangkot ng 40 nauna nang tenant beneficiaries ng lupang iniskwatan ng mga magsasaka, at ang posibleng paggamit sa mga magsasaka ng NPA bilang sacrificial lamb, para maisisi sa gobyerno.

Idinagdag naman ni PRO 6 Regional Director Csupt John Bulalacao, na tinitignan din nila ang karagdagang pang-apat na anggulo na posibleng awayan ng mga magsasaka sa mga CAFGU members sa lugar. | ulat ni Leo Sarne