PNP, umaasang hindi apektado ang pagtingin ng tao sa mga pulis sa gitna ng isyu ng ‘ninja cops’ 

Umaasa ang Philippine National Police (PNP) na hindi nagbago ang pananaw ng publiko sa mga pulis sa gitna ng kontrobersyang kinasasangkutan ng PNP tungkol sa mga “ninja cops”.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, kasabay ng pagtiyak na ang PNP sa kaabuuan ay nananatiling propesyonal at disiplinado, sa kabila ng kinakaharap nilang kontrobersya.

Ipinakita aniya sa nakalipas na SWS survey na 82 porsyento ng mga mamayan ang nasisiyahan sa war on drugs, na indikasyon ng tiwala ng mga mamayan sa PNP.

Marami na rin aniyang kontrobersyang kinasangkutan ang PNP sa mga nakalipas na panahon, pero tiwala aniya sila na maalpasan din nila itong kasalukuyang isyu tungkol sa mga ‘ninja cops’.

Inamin ni Banac na mayroong ilang mga pulis na nalulungkot dahil sa mga akusasyon tungkol sa umano’y pagre-recycle ng iligal na droga, pero hindi naman aniya ito nakakaapekto sa patuloy na pagsasagawa ng kampanya kontra droga.