PNP, tutulong sa PCG sa pagbabantay ng mga quarantine hotel ng OFW

Tutulungan ng Philippine National Police ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagbabantay ng mga quarantine hotels na tinutuluyan ng mga Overseas Filipino Workers.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task Force Covid Shield Commander PLt. Gen. Ephraim Dickson, ito’y matapos na mag-request ng tulong ang PCG.

Mayroon kasi aniyang mga OFW na tumatakas sa mga hotel bago matapos ang kanilang quarantine at umuuwi ng walang paalam.

Base sa alituntunin ng IATF, kailangang makumpleto ng mga OFW ang 10 araw na quarantine sa accredited hotel habang hinihintay ang resulta ng kanilang COVID test.

Ayon kay Lt. Gen. Dickson, 200 accredited hotels ang binabantayan ng Philippine Coast Guard kaya kulang din ang kanilang mga tauhan.