PNP, tutulong sa DTI sa pagpapatupad ng price freeze sa mga lugar na sinalanta ng bagyo

Tutulungan ng Philippine National Police (PNP) ang Department of Trade and industry sa pag-pagpatupad ng price freeze ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Rolly.

Paliwanag ni PNP Chief General Camilo Pancratius Cascolan, alinsunod sa Republic Act 7581 or the Price Act of the Philippines, awtomatikong ipinatutupad ang price freeze sa mga lugar na isasailalim sa State of Calamity.

Bukod aniya sa mga basic at prime commodities, saklaw din ng batas ang mga produktong nire-regulate ng Department of Agriculture (DA) at Department of Health (DOH) tulad ng bigas, asukal, poultry products, dairy products, mantika, cooking fuel, gamot, at medical supplies.

Samantala, tiniyak ni Cascolan sa mga PNP units sa mga dinaanan ng bagyo na nagtamo ng pinsala sa kanilang mga istasyon, na makakaasa sila ng agarang tulong sa National Headquarters para mapanumbalik ang kanilang normal na operasyon.

Una nang sinabi ni Cascolan na nagsasagawa pa sila ng Accounting ng mga napinsalang istasyon.

Lumipad sakay ng PNP Chopper si Cascolan mula sa Camp Crame ngayong umaga para magsagawa ng aerial survey sa mga lugar na napinsala ng bagyo.