PNP tracker teams, idineploy na para i-locate ang 1,700 pinalayang preso, kasunod ng 15-araw na taning ng Pangulo sa pagsuko ng mga ito 

Idineploy na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga tracker teams para i-locate ang mahigit 1,700 preso na pinalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Ito’y alinsunod sa utos ng Pangulong Duterte sa pulis at militar na arestuhin ang mga naturang pinalayang preso, kung hindi boluntaryong sumuko ang mga ito.

Sa isang statement, sinabi ni PNP Spokesperson P/Brig. Gen. Bernard Banac na inatasan na rin ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde ang lahat ng PNP units nationwide na tanggapin ang mga presong tatalima sa 15-araw na deadline sa pagsuko na ibinigay ng Pangulo.

Ang direktiba ng Pangulo ay kanyang inanunsyo sa isang press conference sa Malacañang kagabi kasabay ng pag-atas sa pulis at militar na i-account ang lahat ng preso ng dead or alive kung hindi susuko ang mga ito.

Nilinaw naman ng Pangulo na kung boluntaryong sumuko ang mga pinalayang preso ay hindi sila agarang ibabalik sa bilangguan, hanggang sa pinal na mareresolba ang usapin sa legalidad ng pagpapatupad ng GCTA.

Ayon kay Banac ang mga hindi susuko sa loob ng 15-araw na deadline ay ituturing ng PNP na “fugitives from justice” na maari nilang arestohin kahit walang warrant.