PNP, tiniyak na walang whitewash sa imbestigasyon ng mga police escort ng na-ambush na PDEA agents

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang whitewash na magaganap sa imbestigasyon ng apat na police escorts ng limang (Philippine Drug Enforcement Agency) PDEA agents na napatay sa ambush sa Lanao del Sur.

Ayon kay PNP Spokesperson CSupt. Benigno Durana, nagkasundo ang PNP at PDEA na ipaubaya sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa mga naturang pulis para matiyak na magiging patas ang imbestigasyon.

Ang mga naturang pulis ay ni-relieve na rin sa pwesto habang sumasailalim sa imbestigasyon.

Ito’y sa gitna ng alegasyon na hindi naka-responde ang mga pulis nang tambangan ang mga PDEA agents, samantalang sila ang nag-escort sa mga ito.

Ang mga biktima ay sakay ng isang puting van patungong Tagaloan Municipal Police Station sa Marawi, para dumalo sa progama ng mga drug surrenderers nang sila’y tambangan noong Biyernes ng tanghali sa Brgy. Malna, Kapai, Lanao Del Sur, habang ang mga pulis ay nasa hiwalay na sasakyan.

Bukod sa limang ahenteng nasawi, sugatan din sa insidente ang isa pang PDEA agent at isang police non-uniformed personnel.  | ulat ni Leo Sarne