PNP, tikom ang bibig sa pag-aresto kay Trillanes

Tikom pa rin ang bibig ng Philipine National Police (PNP) tungkol sa pag-aresto kay Sen. Antonio Trillanes.

Ito’y makaraang bawiin ng Malacañang ang iginawad na amnesty kay Trillanes sa mga kasong rebelyon at sedisyon bunga ng mga ikinasa nitong pag-aaklas noong 2003 at 2007.

Sa ipinadalang mensahe ni PNP Spokesperson Sr. Supt. Benigno Durana, ipinaubaya na nila sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagsisilbi ng kautusan sa Senador.

Tumanggi rin maging ang hepe ng CIDG na si Police CSupt. Roel Obusan na magbigay ng mga impormasyon kung paano nila ipatutupad ang nasabing kautusan at kung paano ang magiging proseso ng turn-over nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Una rito, inihayag ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo na ang Acting Chief of Staff na si Lt. Gen Salvador Mison ang siyang pipili sa mga aaresto kay Trillanes gayundin ng mga bubuo sa muling pagko-convene ng General Court Martial na lilitis sa Senador.

Hindi pa malinaw kung paano maaaresto si Trillanes ngayong nasa kustodiya siya ng Senado.  | ulat ni Leo Sarne