PNP, suportado ang rekomendasyon ng AFP sa Pangulo na kanselahin ang peace talks na kasama si Joma Sison

Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Pangulo na itigil na ang peace talks na kasama si Joma Sison at isulong na lang ang localized peace negotiations.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson Senior Supt. Benigno Durana matapos ianunsiyo ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo na pormal nang isusumite ng AFP ang kanilang rekomendasyon sa Pangulo base sa walong dahilan na una nang binanggit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Sinabi ni Durana na tulad ng AFP, naniniwala din sa kapayapaan ang PNP at suportado nila ang anumang hakbang tungo sa kapayapaan basta’t ito ay genuine at sinsero.

Hindi aniya tama na ginagamit lang ng mga komunista ang peace talks para lang makapagpalakas ng pwersa.

Ayon pa kay Durana, magiging malaki ang magiging papel ng PNP sa pagsulong ng localized peace talks kung saan iminungkahi ni Lorenzana na ang local government units (LGUs) na ang mangunguna.

Paliwanag ni Durana, ang PNP ang implementing arm ng mga local chief executive kung kaya’t ang mga pulis ang aalalay sa mga LGU sa kanilang pangunguna sa pakikipag-usap sa mga local communist group. | ulat ni Leo Sarne