PNP, suportado ang panawagan ng Minority Senators na imbestigahan ang mga pagpatay sa Cebu

Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang anumang pagsisiyasat o resolusyon na nananawagan ng imbestigasyon hinggil sa kanilang operasyon.

Ito ang sinabi ni Police Director General Oscar Albayalde sa isang press conference ngayong araw.

Kung maaalala, naghain ang mga Senador mula sa minority bloc ng isang resolusyon na nananawagan ng imbestigasyon kaugnay ng diumano’y pagkakasangkot ng ilang opisyal ng pulis sa extrajudicial killings sa Cebu City nitong Biyernes.

Ayon sa PNP Chief, ang mga dokumento na may kaugnayan sa anti-drug operations ay available, gaya ng search warrant, at tinitiyak nila na tinitingnan na nila ang mga insidente sa pamamagitan ng “moto propio” investigation.

Noong Oktubre 4, labing-apat (14) ang napatay sa mga lungsod ng Cebu at Talisay — siyam (9) sa kanila ay dahil sa lehitimong police operations, at ang lima (5) ay gawa ng mga hindi nakilalalang salarin.

Sa isang insidente sa Barangay Malubog, Cebu, kung saan itinanggi na ng pulis ang kanilang pagkakasangkot, sinabi ng mga nakaligtas na mga opisyal ng pulis ang nagbitbit sa kanila at bumaril.

Simula October 3, meron ng dalawampu’t (23) katao ang napaulat na napapatay sa siyudad, at isang-daan at siyamnapu’t walo (198) sa buong lalawigan ng Cebu para sa taong ito. | ulat ni Ched Oliva