PNP, sumuporta sa kampanya ng PACC vs. korapsyon

Lumagda si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar, sa manifesto ng Presidential Anti Corruption Commission (PACC), na “Project Kasangga: Aksyon kontra korapsyon.”

Ayon kay PACC Chairperson Greco Beliga, sa pamamagitan ng kooperasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mas mabilis na maiuulat at maiimbestigahan ang mga reklamo ng korapsyon sa gobyerno.

Sa kanyang panig, sinabi ni Eleazar, na kahanay ng kampanya ng PACC laban sa korapsyon ang isinusulong na Intensified Cleanliness Campaign ng PNP.

Sinabi ni Eleazar, na nagsisimula ang korapsyon sa PNP sa maliit na gawain tulad ng simpleng pangongotong hanggang sa umabot na sa mas seryosong krimen.

Kaya mahalaga aniya na sa simula pa lang ay maawat na ito, at sa recruitment pa lang ay masala na ang mga korap at hindi karapat-dapat maging pulis.