PNP, sinimulan na ang operasyon laban sa mga rice hoarder

Nagsimula na ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga rice hoarder sa gitna ng pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin.

Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, pinaigting na nila ang kanilang intelligence monitoring sa mga negosyanteng nagtatago ng bigas na lumilikha ng artipisyal na kakulangan ng suplay.

Sinabi ni Albayalde na nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) para sa isinasagawang mga operasyon laban sa mga rice hoarder.

Nitong nakalipas na Linggo lang aniya, isang bodega na puno ng sako-sakong smuggled rice mula sa China ang narekober ng PNP at Bureau of Customs (BOC) sa Bulacan.

Naniniwala si PNP Chief na itinatago lamang ng mga negosyante sa mga bodega ang bigas at ilalabas lang kapag mataas na ang presyo nito.

Kaya naman kung kinakailanganin aniya magpalabas sila ng search warrant sa pamamagitan ng PNP-CIDG ay gagawin nila para lamang mahalungkat ang mga bodega ng pinaghihinalaang rice hoarders. | ulat ni Leo Sarne

Photo courtesy: PTV News PH