PNP, sinegundahan ang pagkundena ng NCIP sa mga nagsasamantala sa mga Lumad

Sinegundahan ng Philippine National Police (PNP) ang pagkundena ng National Commission on Indigenous People (NCIP) sa mga nagsasmantala sa mga Lumad.

Ito’y matapos ilabas ng NCIP ang kanilang statement tungkol sa pagtatangka ng grupo ni dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo na itakas ang 14 na katutubong menor de edad sa Talaingod, Davao del Norte.

Dito’y tinuligsa ng NCIP ang paglapastangan ng grupo ni Ocampo sa mga karapatan ng Ata-Manobo tribe, at hindi pagrespeto sa kagustuhan ng tribal elders, sa pamamagitan ng panlilinlang.

Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, sinasamantala ng New People’s Army (NPA) ang kawalan ng kakayahan ng mga nasa tribu.

Patunay aniya nito ang “brainwashing” na ginagawa ng mga NPA sa mga batang katutubo sa Salugpungan Center, na tinuturuan nilang mag-alsa sa gobyerno.

Kaugnay nito, nanawagan ang pamunuan ng PNP sa CPP/NPA na tigilan na ang pagsasamantala sa mga katutubo para gamitin sa kanilang pakikipaglaban sa gobyerno.  | ulat ni Leo Sarne