PNP sa Anakbayan: Sagutin ang mga magulang ng mga nawawalang estudyante

Hinamon ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde ang Anakbayan na sagutin ang mga magulang ng mga nawawalang estudyante na miyembro ng kanilang grupo.

Ito ay matapos humarap kahapon sa senate hearing ng Committee on Public Order and Drugs ang mga magulang ng limang mag-aaral, upang idaing ang pagkawala ng kanilang mga anak matapos na sumali sa Anakbayan.

Sa isang press conference sa Camp Crame ngayong umaga, sinabi ng PNP chief, na dapat ipaliwanag ng Anakbayan kung ano ang nangyari sa mga nawawalang estudyante.

Ayon sa PNP chief, ang nakakabahala ay ang posibilidad na namundok na at sumama sa NPA ang mga kabataang ito matapos na ma-brainwash ng Anakbayan.

Ganito aniya ang kaso ng isang estudyante ng UP, na kasama sa mga napatay na terorista sa engkwentro ng militar at New People’s Army (NPA) kamakailan, kung saang inakusahan pa ng Anakbayan ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ng human rights violation.

Sa ngayon aniya, ay sinampahan na ng kaso ng PNP nitong August 1 ang mga miyembro ng Anakbayan na itinuro ng isa sa mga magulang na humarap sa senate hearing na si Relissa Lucena, na umano’y responsable sa pagkawala ng kanyang anak.