PNP personnel na opisyal ng Abu Sayyaf, arestado sa Jolo

Naaresto ang bayaw ni dating ASG leader Isnilon Hapilon na nagsisilbing Finance/Logistics Liaison officer ng Dauwla Islamiya/ASG sa isang intelligence operation ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa Barangay Asturias, Jolo noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang suspek na si MASCKUR ADOH PATARASA a.k.a. MAKONG/OMAIR SALI TAIB, na aktibong non-uniformed personnel ng PNP na nakadestino sa Banguingui Municipal Police Station, Sulu PPO.

Ang suspek ay may mga warrant of arrest para sa pitong magkakahiwalay na kaso ng Kidnaping at Serious Illegal Detention, at kasama sa Martial Law Arrest Order No. 1 noong 2017 Marawi Siege.

Lumabas sa imbestigasyon na binalak ni Patarasa na magpadala ng pondo sa mga ASG member na lumalaban sa Marawi.

Pinuri ni Eleazar ang matagumpay ma operasyon at sinabing ang pagkakatuklas ng ahas sa kanilang hanay ay bahagi parin ng Intensified Cleanliness policy ng PNP.